UP Police, walang kakayahang solusyunan ang droga at krimen sa campus — CHED

Inutil, o walang kakayahan ang University of the Philippines (UP) Police na solusyunan ang problema sa droga at krimen na nagaganap sa loob ng UP campus.

Ito ang inihayag ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Dr. Prospero De Vera sa isang press conference ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde kahapon sa Camp Crame.

Ito’y matapos ang diyalogo sa pagitan ng security sector ng pamahalaan at ng academe na nilahukan ng mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), PNP, Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP), UP, Polytechnic University of the Philippines (PUP), Ateneo at La Salle upang pag-usapan ang planong pagtulong ng PNP sa seguridad ng mga paaralan.

Ayon kay De Vera, dating opisyal ng UP, matagal nang may problema sa illegal drugs at krimen sa UP Campus ngunit wala umano itong nakikitang kongkretong hakbang upang ito ay matugunan.

Pati ang problema sa extremism ay kailangan din daw matugunan sa UP campus.

Hinamon pa ni De Vera ang media na magsagawa ng imbestigasyon upang patunayan na walang kakayahan ang UP Police, kaya’t kailangan ang tulong ng PNP sa pagmimintini ng seguridad sa UP.

Hindi naman aniya ito nangangahulugan na palaging nasa campus at nagpapatrolya ang mga pulis na siyang ikanatatakot ng mga estudyante, kundi maari ding gawin sa pamamagitan ng information sharing at training.