UP Diliman Gym, ginamit na ring vaccination hub

Nagsagawa na rin ng pagbabakuna sa UP Diliman Community, sa A2 at A3 priority list.

Ayon kay Dr. Alfred Tengonciang, medical specialist ng UP Diliman Campus, anim na araw ng ginagamit ang UP Diliman Gym, kung saan binigyan sila ng go signal ng Quezon City Local Government para bakunahan ang mga faculty at comorbidity person.

Sabi ni Tengonciang, sila na ang humingi ng permiso para sa pagbabakuna upang mabilis na maibigay ang bakuna sa komunidad ng UP.

Umabot sa 1,002 doses ng Sinovac Vaccine ang ibinigay ng QC LGU, para bakunahan ang mga senior citizen at comorbidity personnel ng UP.

Sakaling matapos na ang buong UP community, ay plano rin buksan ito sa ibang sektor para tulungan ang pamahalaan na mapabilis ang pagbabakuna sa lungsod.

Sabi ni Dr. Tengonciang, limitadong suplay pa lang ng bakuna ang kanilang natatanggap, at kung sakaling may bagong suplay ay handa silang magbakuna sa mga taga labas ng UP Diliman Campus.

Bukod sa UP Diliman, mayroon na ring ginagawang ugnayan ang UP Los Banos Laguna sa lokal na pamahalaan doon, para mabakunahan ang iba pang indibidwal.