‘Unity Walk’, isinagawa ng mga opisyal at kawani ng CHED sa UP

Sama-samang naglakad kaninang umaga sa isang ‘unity walk’ ang mga opisyal at kawani ng Commission on Higher Education (CHED) na bahagi ng selebrasyon ng kanilang ika-24 na taong anibersaryo.

Ayon kay Juan Puriran Jr., Pangulo ng CHED Employees Union, ang unity walk na pinangunahan ni CHED Acting Chairman Prospero De Vera III ay layong isulong ang health and wellness ng mga empleyado at opisyal.

Sinamantala umano nila ang pagkakataon ng selebrasyon para magsama-sama ang mga opisyal at empleyado sa isang aktibidad.

Ang unity walk ay nagsimula sa compound ng CHED at inikot ang loob ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) maaga pa lamang kanina.

Sinabi pa ni Puriran, marami pang aktibidad ang inaasahang masaksihan sa loob ng CHED sa loob ng isang linggong selebrasyon.

Kahapon, pinangunahan ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ang kick-off ceremony ng anibersaryo ng CHED kasabay ng pagbubukas ng Education Trade Fair sa CHED Compound, Diliman, Quezon City. | via Rey Ferrer