“Unfriendly action” sa mga barko na magti-trespass sa teritoryo ng PH, ipauubaya na ni Lorenzana sa Navy 

Ipauubaya na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Philippine Navy kung ano ang “unfriendly action” na gagawin sa mga dayuhang barko na papasok ng walang paalam sa teritoryo ng bansa.

Ang pahayag ni Lorenzana ay matapos ianunsyo ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na ire-require na ng pamahalaan ang lahat ng dayuhang barko na dadaan sa karagatan ng Pilipinas na humingi ng kaukulang pahintulot sa mga lokal na awtoridad.

Kasabay ito ng babala na handa ang Pilipinas na ipatupad ang kautusan sa “unfriendly manner” kung kakailanganin.

Ayon kay Secretary Lorenzana, maraming paraan sa pagsita ng mga barko sa isang “unfriendly manner”.

Pwede aniyang, mag-cut sa harapan ng barko at i-escort sa labas ng teritoryo ng bansa, pero ipauubaya na niya ang espesipikong pamamaraan sa Philippine Navy.

Kasabay nito sinabi ng kalihim na “good development” ang pahayag ng Malacañang, dahil binigyan ng awtoridad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipatupad ang batas sa loob ng territorial waters ng Pilipinas.

Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng ilang ulit na pagpasok ng walang paalaam ng Chinese warships sa Balabac at Sibutu Strait.