Underspending ng Sugar Regulatory Administration, sinita ni Sen. Villar

Sinita ni Senator Cynthia Villar ang Sugar Regulatory Administration (SRA) dahil sa naitalang underspending ng ahensya sa pondong nakalaan para sa mga programang sakop ng Sugarcane Industry Development Act (SIDA).

Sa ilalim kasi ng naturang batas, pinaglalaanan ng dalawang bilyong piso ang SRA para magamit sa mga programang makakatulong sa mga sugar farmer.

Ngunit dahil sa underspending, ay unti-unting nabawasan ang inilaang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa ₱2 billion noong 2016, naging P1.5 billion ito noong 2017, P1 billion noong 2018 hanggang ₱500 million nalang ngayong taon.

Nangangamba pa ang senator na kung magtuloy-tuloy ang hindi paggasta ng pera ay paglaanan na lamang sila ng DBM ng ₱67 million sa 2020 – pondong hindi aniya sapat para sa mga magsasaka ng asukal sa bansa.

Giit ni Villar, noon pa man ay sinabihan na niya ang SRA, na huwag mag-underspend dahil iisipin ng DBM na hindi nila kailangan ang pera at babawasan ang kanilang alokasyon.

Ikinalungkot rin ng senator ang napaulat na kabiguan ng SRA na ipatupad ang Sugarcane law.

Aniya, napakaraming maaaring paggamitan ng pondo para mapabuti ang sugar industry sector lalo na ang mga maliliit na magsasaka.