Unang transgender Army Reserve Officer, nanumpa sa tungkulin

Pormal na pinagkalooban ng ranggong Lieutenant Colonel sa Philippine Army Reserve Corps si Bataan Representative Geraldine Roman kahapon, Araw ng mga Puso, sa Camp Aguinaldo.

Pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang donning of ranks at oath taking ceremony kasama si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero.

Pinasalamatan at pinapurihan ni Congresswoman Roman ang AFP sa kanilang pagpapahintulot na maging bahagi ng militar ang mga miyembro ng lesbian-gay-bisexual-transsexual o LBGT community.

Unang inanunsyo ni Roman ang kanyang intensyong sumali sa Reserve Officer Corps noong Pebrero 2017.

Ayon kay Roman, ang kanyang pagnanais na maglinkod bilang reserve officer ay dahil hindi kinikilala ng giyera at sakuna ang kasarian, at tungkulin ng lahat na ipagtanggol at paglingkuran ang bayan.

Kasabay ni Roman ang dalawa pang miyembro ng Kamara na sina Congressman Edwin Marino Ongchuan ng Northern Samar at Congresswoman Divina Grace Yu ng 1st District ng Zamboanga Del Sur, ang nanumpa rin bilang Lieutenant Colonel sa Army Reserve Corps. | viaLeo Sarne