Unang araw ng trabaho ng Pangulo para sa 33rd ASEAN Summit, magsisimula mamayang hapon

Ngayong araw ang pormal na pagsisimula ng 33rd ASEAN Summit and Related Summits na gagawin sa Singapore na nakatakdang daluhan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Alas-singko kinse mamayang hapon ang oras kung saan inaasahan ang pagdating ng mga ASEAN leaders, kasama ang kani-kanilang mga may-bahay sa Suntec Singapore International Convention.

Alas-singko y medya naman inaasahang masisimulan ang opening ceremony ng 33rd ASEAN Summit and Related Summits, na susundan naman ng isang presentation na pangungunahan ng ASEAN Business Advisory Council, alas-sais ng gabi.

Susunod na aktibidad ng Pangulong Duterte ay ang gagawin nitong pagdalo sa isang working dinner kasama ang iba pang ASEAN leaders sa pangunguna ni Singapore Prime Minister Hsien Loong.

Susundan naman ito ng ASEAN Summit Plenary na gaganapin bago ang alas-otso ng gabi.

Maliban sa nabanggit na mga programa, ay wala pa namang mabibigat na aktibidad na nakatakda ngayong araw na ito na pupuntahan ng Pangulong Duterte pero simula bukas, dito na inaasahan ang dikit-dikit na schedule ng Pangulo na umaga pa lamang ay magsisimula na.  | ulat ni Alvin Baltazar

Photo courtesy: ASEAN