Unang 3 araw ng ECQ, pangkalahatang maayos — PNP

Naging pangkalahatang mapayapa at maayos ang unang tatlong araw ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).

Ito’y batay sa inspeksyon ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at Administrative Support To COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Joselito Vera Cruz; PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force COVID Shield Commander PLt. Gen. Israel Ephraim Dickson; at Calabarzon Regional Oolice Director, Brig. Gen. Eliseo Cruz.

Nag-inspeksyon nitong weekend ang tatlong heneral sa mga quarantine checkpoints at ang mga itinalagang law enforcement checkpoints sa boundaries ng Laguna at Batangas at boundaries ng PRO 4A, at National Capital Region Police Office (NCRPO).

Kapwa pina-alalahanan nina Lt. Gen. Vera Cruz at Lt. Gen. Dickson ang mga pulis na nagmamando ng checkpoints na tiyakin na nasusunod ang minimum public health standards, pero dapat maging flexible sa pagtupad sa quarantine rules and regulations.

Ayon kay Dickson, sumusunod naman ang mga mamamayan kapag pinagsasabihan.

Wala naman aniyang naitalang untoward incident sa nakalipas na tatlong araw at karamihan sa mga violations na naitala ay ang hindi pagsunod sa protocols.