UN Special Rapporteur, hindi dapat nagpapabuyo sa mga grupong nagagamit ng oposisyon – Palasyo

Napuno na ang Palasyo sa mga inilalabas na batikos ng United Nations Special Rapporteur o UNSR kontra sa Administrasyong Duterte.

Kasunod na rin ito ng naging panawagan ni Special Rapporteur Michel Forst, na kailangan ng itigil ng pamahalaang Pilipinas ang lahat ng uri ng karahasan laban sa mga umano’y human rights defender.

Pagbibigay diin ni Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, iresponsable ang naging pahayag ni Forst gayung sinisira aniya nito ang integridad ng Special Rapporteur system, ganun din ang buong mekanismo ng UN.

Dagdag ni Panelo, matagal nang nagagamit ng iba’t ibang grupo ang UN upang sa bandang huli’y gawan ng isyu at siraan ang Administrasyong Duterte.

Bilang miyembro aniya ng Human Rights Council sa ika-limang termino, sinabi ni Panelo, na ipinapakita lamang nito na iginagalang ng pamahalaan ang karapatang pantao at isinusulong ng Administrasyon ang human rights advocacies. | ulat ni Alvin Baltazar