Umano’y “pattern” sa pagpaslang ng mga opisyal na tinanggalan ng police security, itinanggi ni PNP Chief

Itinanggi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na may “pattern” sa pagpatay ng mga lokal na opisyal na tinanggalan ng police protection.

Ito ang sinabi ni PNP Chief sa kanyang regular Monday press conference kahapon, ilang oras lang makalipas na mabaril at mapatay si Tanauan City Mayor Antonio Halili habang nagsasagawa ng flag raising ceremony sa munisipyo ng Tanauan, Batangas.

Isa umano ang alkalde sa mga politikong tinanggalan ng police protection at kontrol sa lokal na pulis matapos na mapabilang sa narco list ng Pangulo.

Binigyang diin ni Albayalde, na masyado pang maaga para sabihin na ang pag-alis ng police protection ni Halili ang isa sa mga dahilan kung bakit nakakuha ng pagkakataon ang bumaril sa alkalde.

Paliwanag pa ni Albayalde, may security din naman sa lugar dahil sa kanyang pagkakaalam ay kasama din ang lokal na pulis tuwing nagsasagawa ng flag raising ceremony sa mga munisispyo dahil kalimitang andun din ang headquarters ng lokal na pulis.

Bukod kay Mayor Halili, ilang mga lokal na opisyal sa Batangas ang tinanggalan din ng police protection, kabilang sina Ibaan Mayor Danny Toreja, Lemery Mayor Larry Alilio at dalawang iba pa, matapos ilabas ang narco list ng Pangulo.

Magugunitang nabaril at napatay din si dating La Union Congressman Eufranio Eriguel, noong buwan ng Mayo matapos na i-recall ang kanyang police security kasunod ng kanyang umano’y pagkakasama sa listahan ng mga drug-coddlers ng Pangulo. | ulat ni Leo Sarne