Umano’y pagtaas ng karahasan sa bansa, pananaw lang ng publiko – PNP chief

Pananaw lang ng publiko ang sinasabing pagtaas ng karahasan sa bansa.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde kaugnay ng report ng Global Peace Index 2018 na ang Pilipinas ang 2nd least peaceful country sa Southeast Asia.

Sa report ng Australian based think tank, bumaba ang ranking ng Pilipinas sa mga pinakamapayapang bansa sa mundo mula 136th noong nakaraang taon sa 137th sa kasalukuyan.

Sinabi ni Albayalde na marahil ay epekto ito ng persepsyon ng mga ilang sektor na maraming human rights violations at patayan na nagaganap sa kampanya kontra droga.

Pero binigyang diin ng PNP chief na kung ang pagbabatayan ay ang peace and order sa mga lansangan, matahimik ang sitwasyon sa bansa.

Katunayan aniya ay welcome ang mga pumupuna sa Pilipinas na magtungo dito at tingnan mismo ang totoong sitwasyon.

Dagdag ni Albayalde, ang mga sensational na krimen tulad ng pagpatay sa assistant special prosecutor ng Ombudsman ay bihirang kaso lang at hindi regular na pangyayari. | ulat ni Leo Sarne