Umano’y pagpasok sa bansa ng mga dayuhang terorista, kinukumpirma ng PNP

Bina-validate ng Philippine National Police (PNP) ang ulat na nakapasok umano sa bansa ang mga dayuhang terorista mula sa Gitnang Silangan.

Ito’y kasabay ng pahayag ng Department of National Defense (DND) na sinusuyod na rin ng militar ang Sulu, Basilan, Lanao Del Sur at Central Mindanao, para hanapin ang mga sinasabing terorista.

Ang report na nakapasok sa bansa ang mga teroristang eksperto sa paggawa ng bomba ay nagmula sa isang ahensya sa Singapore, na nagmomonitor ng mga galaw ng mga Syrian terrorist.

Inamin ni PNP Spokesperson Benigno Durana, na may posibilidad na makapasok ang mga terorista sa pamamagitan ng Southern back door.

Malawak kasi aniya masyado ang Southern borders ng Pilipinas, na kalimitang ginagamit na “entry point” ng mga terorista. | ulat ni Leo Sarne