Umano’y kaso ng diskriminasyon sa isang resort sa Samal Island, iimbestigahan ng DOT

Magkakasa ng imbestigasyon ang Department of Tourism (DOT) ukol sa umano’y insidente ng sexual harassment at gender discrimination sangkot ang mga empleyado at management ng isang resort sa Samal Island.

Sa isang statement, iginiit ng DOT na isinusulong nito ang pantay na karapatan sa mga kasarian at hindi kukunsintihin ang anumang harassment.

Partikular na tinukoy ng ahensya ang diskriminasyon na nakapaloob sa polisiya, sistema, istruktura, programa, at proseso ng mga resort.

Kaisa nito ang buong tourism industry sa pagtalima sa batas na nagtataguyod sa Gender and Development (GAD).

Batay sa ulat, naglabas ng statement sa social media ang pamunuan ng Isla Reta Beach Resort na nagsasabing hindi sila tatanggap ng transgender customers dahil sa kawalan ng pasilidad para sa kanila.

Nag-ugat ito sa viral post ng isang customer na binastos at nakaranas umano ng diskriminasyon mula sa staff ng resort nang siya ay tutungo sa restroom.