Umano’y ‘job mismatch’ sa mga bagong graduate ng K to 12 program, walang katotohanan ayon sa DepEd

Sinopla ng Department of Education (DepEd) ang mali umanong pahayag na ikinakalat ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na bigo ang K to 12 program ng gobyerno dahil sa hindi naman nagkatrabaho ang mga unang graduate ng Grade 12 dahil sa ‘job mismatch.’

Paliwanag ni DepEd Secretary Leoner Briones,  hindi naman trabaho kundi ang maihanda ang kinabukasan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pinalakas na kalidad ng edukasyon ang pinaka-layunin ng programa.

Binigyan diin pa ng kalihim na 61% ng mga nagtapos sa Senior High School (SHS) ay walang balak maghanap ng trabaho kundi magtuluy-tuloy sa kolehiyo para magpakadalubhasa sa kursong kanilang nais matapos.

Dagdag pa ni Briones na wala ng dahilan para walang makapag-aral sa kolehiyo lalo pa at napapakinabangan na ang Free Education Law.

Mas pinalawak lamang ang option ng mga estudyante dahil ang natitirang 38% na kumuha ng Technical Vocational (TechVoc) ay posible talaga na agad magkatrabaho.

Ito aniya ay  dahil sa immersion o ‘on the job training’ (OJT) level pa lamang ay nagustuhan na sila ng employers sapagkat maliban sa may kasanayan na ay naipasa pa nila ang certification ng TESDA. | ulat ni Shane Juan