Umano’y banta ng CIA kay Pangulong Duterte, siniseryoso ng AFP — AFP Spokesperson Arevalo

Nakikipag-ugnayan na ang Armed Forces of the Philippines sa Philippine National Police (PNP) para sa palitan ng impormasyon kaugnay sa umano’y banta ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos sa buhay ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Edgard Arevalo na pagdating sa seguridad ng Pangulo ay hindi dapat magpakampante ang AFP.

Mismong ang Pangulo na ang nagsabi sa kanyang talumpati sa Cebu hinggil sa umano’y banta ng CIA.

Tiwala si Arevalo na hindi pababayaan ng Presidential Security Group (PSG) ang Pangulo at handa itong bigyan ng proteksyon pati na ang kanyang pamilya.

Ginawa ng opisyal ang pahayag sa isinagawang beef sharing o pamamahagi ng karne sa mga mahihirap na residente ng Barangay Wilson sa San Juan City

Ito ay taunang aktibidad na ginagawa kaugnay pa rin ng selebrasyon ng Eid Al Adha ng Muslim community.  | ulat ni Rey Ferrer