Ulat sa war on drug killings na kinasasangkutan ng mga pulis, posibleng ilabas na ng gobyerno sa loob ng 2 hanggang 3 buwan

Inaasahang sa loob ng ilang buwan ay makukumpleto na ng pamahalaan ang inventory ng mga kaso ng pagpatay na isinasangkot sa war on drugs ng administrasyon.

Ito ay para malaman kung nagkaroon nga ng iregularidad ang mga law enforcement personnel ng gobyerno sa mga nasabing mga kaso.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan ay matatapos ng pamahalaan ang sarili nilang imbestigasyon sa isyu, at makapaglalabas sila ng report.

Bilang Presidential Adviser on Human Rights, sinabi ni Roque na nakikipagtulungan na ang kanyang opisina sa pambansang pulisya para sa pagdodokumento at pagrerebyu ng bawat drug-related killings na naitala.

Tiniyak rin ni Roque, na mananagot sa batas ang sinumang pulis na mapapatunayang gumamit ng excessive force laban sa mga drug suspect.

Dati na aniya siyang nakikipagtulungan kay retired Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” dela Rosa, tungkol dito ay umaasang parehong kooperasyon ang makukuha niya mula kay bagong PNP Chief Oscar Albayalde.

Muling lumutang ang isyu tungkol sa war on drugs ng administrasyon, matapos hilingin ng isang European Parliament member na rebyuhin ng European Union ang ibinigay nitong Generalized Scheme of Preference o GSP+ status sa bansa. | via Nimfa Mae Asuncion