Ulat na napatay si Maute-ISIS leader Abu Dar, bineberipika pa ng militar – AFP Spokesperson Arevalo

Bineberipika pa ng militar ang ulat na ang Maute-ISIS leader na si Abu Dar ang isa sa mga napatay sa ongoing pursuit operations ng militar sa Lanao Del Sur.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, kasabay ng pag-amin na si Abu Dar ang talagang target ng operasyon ng militar na inilunsad nitong Linggo ng umaga, para tugisin ang mga miyembro ng Maute-ISIS na nakatakas sa Marawi.

Sinabi ni Arevalo na si Abu Dar ang kinokonsiderang bagong leader ng Maute-ISIS group matapos na mapatay sa Marawi si Isnilon Hapilon.

Ayon kay Arevalo, isang buwang planoo ng militar ang operasyon sa Lanao Del Sur, at nilunsad nitong Linggo matapos na mamataan si Abu Dar sa lugar.

Kahapon, iniulat ni Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner na limang terrorista ang pinaniniwalaang napatay sa unang bugso ng operasyon sa bulubunduking lugar ng Tubaran at Pagayawan, Lanao Del Sur.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang operasyon kontra sa 40 Maute-ISIS terrorists na kasama sa grupo ni Abu Dar na tumakas noong mga huling araw ng Marawi Siege. | Ulat ni Leo Sarne