TWG sa pagitan ng mga ospital, PhilHealth binuo para ayusin ang pagkakaiba sa datos ng mga unpaid claims

Kinatigan ng House Special Committee on North Luzon Quadrangle ang pagkasa ng isang pulong sa pagitan ng mga ospital at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para ayusin ang pagkakaiba sa datos ng mga unpaid claims.

Sa mosyon ni Isabela Representative Antonio “Tonypet” Albano, iminungkahi nito ang pagkakaroon ng isang technical working group (TWG) kung saan paplantsahin ng mga ospital at ng government health insurer ang mga numero kaugnay sa paid at unpaid hospital claims na dapat bayaran ng PhilHealth.

Umaasa si Albano na mabibigayan linaw ang proseso ng accounting ng mga ospital upang mabangga naman sa proseso ng PhilHealth at mapagtugma ang mga datos.

Sinusugan naman ito ni Baguio Representative Mark Go kung saan sinabi ng kinatawan na magtalaga ng isang staff ang mga ospital na makikipag-ugnayan sa representative naman ng PhilHealth.

Una nang inirekomenda ng mga mambabatas na maipasailalim sa isang regulatory body o panel ang PhilHealth na tututok sa mga ginagawa ng ahensya.

Layon nitong matiyak na mababayaran ng PhilHealth ang mga utang nito sa mga ospital at pasilidad.