Turista sa Batanes, nangalap ng pondo para sa earthquake victims sa Itbayat

Nagkaisa ang mga naging turista at napamahal na sa Batanes para mangalap ng pondo upang tulungan ang mga naapektuhan ng lindol sa Itbayat.

Pinangunahan ni Mr. Paul Quiambao, na ilang beses nang pabalik-balik sa Batanes, ang panawagan sa kapwa mga photographer na magbenta ng kuhang litrato sa Batanes, at ang pondo na makakalap ay ibibigay sa mga biktima ng lindol upang muling makabangon.

Isang buwan matapos ang paglindol sa Itbayat, dumating si Paul upang personal na ihatid sa mga taga-Itbayat ang pondong nakalap sa pamamagitan ng napagbentahang mga litrato, na kinuha sa Batanes, lalo na sa Itbayat.

Umabot sa mahigit kalahating milyon ang napagbentahan ng litrato.

Malaki ang pasasalamat ni Governor Marilou Cayco sa mga katulad ni Mr. Paul Quiambao, na gumawa ng paraan para tulungan ang mga taga- Batanes, at hindi lang pansariling kapakanan ang naging interes.