Tuluyang pagsasampa ng kasong plunder kay dating DOTC Sec. Abaya at iba pang opisyal ng Aquino administration, isasangguni na ng DOTr sa Office of the Solicitor General

Agad na ikukonsulta ng Department of Transportation (DOTr) sa Office of the Solicitor General ang tuluyan nang pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating DOTC Sceretary Joseph Emilio Abaya at labing-anim na iba pang opisyal ng Aquino administration.

Ito ay kapag natanggap na ng DOTr ang official copy ng resolution ng Office of the Ombudsman na nagpapatunay na may basehan ang reklamo sa maanomalyang P4.2-Billion MRT-3 maintenance contract na pinasok ng noon ay DOTC sa kumpanyang Busan Universal Railway Incorporated (BURI) noong taong 2016.

Sinabi ni DOTr Undersecretary for Legal Affairs and Procurement Atty. Reinier Paul Yebra, nais lang ipakita ng ahensiya na pursigido ang DOTr na panagutin ang mga dating opisyal na gumawa ng katiwalian.

Bukod kay Abaya, ang iba pang inireklamo ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay sina dating Transportation Undersecretaries Edwin Lopez, Rene Limcaoco, Catherine Jennifer Gonzales at dating MRT-3 General Manager Roman Buenafe.

Damay din sa kaso ang ibang opisyales na humawak sa transportation negotiating team, Bids and Awards Committee, Engineering Division at ilang pribadong respondents mula sa Edison Development and Construction, Tramat Mercantile Incorporated, TMI Corporation at BURI. | ulat ni Rey Ferrer