Tulunan, North Cotabato, niyanig ng 4.6 na lindol

Niyanig ng lindol ang bayan ng Tulunan sa North Cotabato kanina.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), may lakas na magnitude 4.6 ang lindol na tumama sa naturang bayan mag-aalas-8 kaninang umaga.

Natunton ang epicenter ng pagyanig sa layong 12 kilometro sa silangang bahagi ng Tulunan at may lalim na 5 kilometro.

Tectonic ang pinagmulan ng lindol.

Naramdaman ang intensity 2 at 3 sa ilang lugar sa Kidapawan City, at intensity 1 sa Tupi, South Cotabato.

Ayon sa PHIVOLCS, wala namang dalang pinsala ang pagyanig at wala ring inaasahang aftershocks.