Tulong sa mga isolated na bayan ng Jipapad at Oras sa Eastern Samar, tiniyak ng NDRRMC

Tututukan ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 8 ang pagpaparating ng tulong sa mga isolated na bayan ng Jipapad at Oras sa Eastern Samar, matapos makaranas ng matinding pagbaha dala ng bagyong Samuel.

Ito ang inihayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Edgar Posadas, kasabay ng pagtiyak na sa lalong madaling panahon ay makakatanggap ng tulong ang mga apektadong residente.

Mula aniya sa 2,000 family food packs na nakalaan para sa bayan ng Oras, 1,450 na ang naihatid habang may 550 pa na paparating.

Habang para sa bayan naman ng Jipapad, mula sa alokasyon na 2,700 family food packs, nasa 1,000 na ang ibinabiyahe gamit ang mga truck ng Philippine Army.

Samantala, ipinabatid din ni Posadas na sa Northern Samar, wala nang pangangailangan para sa karagdagang ayuda mula sa Regional Office at kaya na ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) roon.  | ulat ni Leo Sarne

(Photo courtesy of Joji Montallana)