Tulong pinansiyal para sa mga sugatan at nasawing pulis at sundalo, inilabas na ng DILG

May kabuuang P582.5 milyon na tulong-pinansiyal ang inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mga pulis at sundalo na nasugatan at nasawi sa panahon ng military o police operations hanggang Hunyo 1 ngayong taon.

Ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo Año, may 2,330 ang mabibigyan ng financial assistance at kabilang dito ang mga pamilya ng anim na police officer na nasawi sa misencounter sa pagitan ng Army troopers sa Samar noong Hunyo 25.

Bukod pa ito sa P61.5 milyon na ibinigay sa 246 benepisyaryo na una nang binigyan pagkatapos makumpleto ang capacity building training na ipinatupad ng DILG at ng Department of National Defense (DND).

Sinabi pa ni Año, ang tulong pinansiyal na ipinagkaloob sa mga benepisyaryong pulis at sundalo ay ginawa sa ilalim ng Comprehensive Social Benefits Program (CSBP).

Ang DILG ay ang lead agency na nangangasiwa sa implementasyon ng programa sa tulong ng 18 iba pang government agencies ng CSBP sa pamamagitan ng Killed and Wounded-in-Action One Stop Assistance Program Management Office.

Dagdag pa ni Año bawat pulis o sundalong nasawi ay makatatanggap ng P500,000, P100,000 naman sa mga nasugatan at P250,000 sa mga sugatan na kabilang sa Total Permanent Physical Disability.

May 145 benepisyaryo ang nakatanggap na rin ng shelter assistance mula sa National Housing Authority at health care ng Department of Health at PhilHealth Insurance Corporation bukod pa sa alok na education assistance.  | ulat ni Rey Ferrer