Tulong ng NBI, hiningi ng MMDA para imbestigahan ang slot for sale ng COVID vaccine

Sabay na nagtungo sa Punong Tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-asawang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Benhur Abalos at Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, para hingiin ang tulong ng NBI sa mga slot for sale ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Chair Abalos, nais nilang panghimasukan na ng NBI ang nakakabahalang bentahan sa social media ng slot para makauna sa bakuna.

Sa kasalukuyan, tanging ang Mandaluyong City at San Juan City, ang may ganitong mga ulat ng slot for sale ngunit hindi na daw nila ito hahayaang kumalat pa.

Nababahala ang mag-asawang Abalos, na posibleng ginagawang panira ito sa vaccination roll out ng pamahalaan o kaya naman ay pinagkakaperahan ng ilang mapagsamantalang indibidwal.

Sinabi naman ni Mayor Abalos, mayroon ng lead o impormasyon ang Mandaluyong City Police sa nagpapakalat ng slot for sale.

Tumanggi naman siyang magbigay ng detalye, ngunit tiniyak niyang masasampahan ng kaso ang mga taong nasa likod ng slot for sale ng COVID-19 vaccination.

Kahapon ay inatasan na rin ni Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar, ang Criminal Investigation and Detection Group, para magsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon