Tubig sa river systems sa Central Luzon, posibleng tumaas dahil sa pag-ulan

Patuloy pa ring nakakaranas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa dala ng low pressure area at southwest monsoon.

Kaugnay nito, pinayuhan ng PAGASA Weather Bureau ang publiko lalo na sa mga landslide at flood prone areas na mag-ingat at maging alerto.

Kaninang umaga, naglabas na rin ng general flood advisory ang Weather Bureau para sa lalawigan ng Bataan, Zambales, at Aurora.

Kapag nagtuloy-tuloy ang pag-ulan, posible umanong tumaas ang tubig sa mga ilog sa Balanga at Morong sa Bataan, gayundin sa mga ilog at iba pang daluyan sa Panatawan, Sto.  Tomas, Bucao, Bancul at Lawis sa Zambales at Casiguran, Aguang at Lower Umiray sa Aurora Province.

Bukod sa Central Luzon, apektado din ng mga pag-ulan ang ilang lalawigan sa Southern Luzon at Western Visayas.

Base sa pinakahuling heavy rainfall warning na inilabas ng PAGASA, nakakaranas pa rin ng light to moderate rains ang lalawigan ng Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, at Metro Manila.