Trillanes, pina-iimbestigahan sa Senado ang British political consulting firm na Cambridge Analytica

Sa pamamagitan ng isang resolusyon, nais ni Senador Antonio Trillanes na magsagawa ang Senado ng imbestigasyon sa umano’y kontrobersyal na British political consulting firm na Cambridge Analytica.

Ayon kay Trillanes, base sa mga impormasyon na lumalabas ngayon, nakompromiso umano ang naganap na 2016 elections.

Hinala ni Trillanes, naging instrumento ang Cambridge Analytica para ipakalat sa social media noong panahon ng kampanya ang umano’y mga fake news na nakaimpluwensya sa mga botante.

Target aniya ng gagawing pagdinig na mailantad kung ano ang mga ginawa ng Cambridge Analytica dito sa Pilipinas at mapigilan ang posibleng pagmanipula o pag-impluwensya muli nito sa mga susunod na eleksyon sa bansa.

Handa rin si Trillanes na magprisintang pamunuan sakaling bumuo ng subcommittee ng Committee on Electoral Reforms para dinggin ang isyu tungkol sa Cambridge Analytica. | via Jojo Ismael