Trillanes, matiwasay at payapang sumuko sa NCRPO arresting team

Matiwasay at payapang sumuko si Sen. Antonio Trillanes IV kay NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, na siyang may bitbit ng arrest warrant na inisyu ngĀ  Makati RTC Branch 150.

Ayon kay Senate Sergeant-At-Arms, retired Army Major General Jose Balajadia na dumating si NCRPO Chief Director Eleazar sa Senado nang lampas ng alas-dos ng hapon at iprinisinta sa kanya ang arrest warrant.

Si Trillanes ay nasa Senate lounge sa second floor ng Senate building nang ipakita sa kanya ni Eleazar ang naturang arrest warrant at binasa rin sa kanya ang kanyang Miranda rights.

Pagkatapos nito pumunta si Eleazar at Trillanes sa basement parking lot ng Senado kung saan sumakay si Trillanes sa isang police car kasama ang ilang tauhan ng Senate Sgt-At-Arms.

Sinamahan din si Trillanes ng kanyang mga kaalyadong senador na sina Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at Bam Aquino hanggang sa Makati court kung saan siya’y naghain ng piyansa sa kasong rebelyon. | ulat ni Jojo Ismael