Trillanes, hiniling ang pagsisiyasat ng Senado sa ulat na nag-install umano ang China ng missile systems sa tatlong fortified outpost sa Spratlys

Hiniling ni Senador Antonio Trillanes IV ang pagsisiyasat ng Senado sa napaulat na paglalagay umano ng China ng missile systems sa tatlong fortified outpost sa Spratly Islands na inaangkin ng Pilipinas.

Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 722, nais ni Trillanes na ang Senate Committee on National Defense and Security ang magsagawa ng pagsisiyasat in aid of legislation sa nasabing pagi-install ng China ng missile systems sa tatlong fortified outpost sa West Philippine Sea.

Ani Trillanes, layunin ng pagsisiyasat na maigiit ang sobereniya at territorial integrity ng Pilipinas at para siguruhin na ang hakbangin ng China ay hindi magiging banta sa depensa at seguridad ng Pilipinas.

Noong Mayo 2, iniulat ng CNBC News na ang China ay naglagay diumano ng anti-ship cruise missiles at surface-to-air-missiles systems sa Fiery Cross Reef o ang Kagitingan Reef, Subi Reef at Mischief Reef sa Spratly Islands na pawang mga inaangking teritoryo ng Pilipinas.

Una rito, sinabi ni Senador Gringo Honasan, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, wala siyang balak na magpatawag ng imbestigasyon sa nasabing usapin sa Spratly Islands.

Ani Honasan, ayaw na niyang istorbohin pa ang mga nasa Department of National Defense dahil abala umano ang mga ito sa ngayon.

Pero kapag nagkataon, sinabi ni Honasan na gusto lang niyang itanong sa mga taga-DND, AFP, Coast Guard kasama na ang PNP kung ano ba ang plano nila kapag tayo ay nag-iisa at mapilitang sumabak sa giyera.

Ang resolusyon ni Trillanes ay inaasahang iri-refer sa committee ni Honasan sa pagbubukas sesyon ng kapulungan sa Mayo 15. | via Jojo Ismael