Trillanes, hindi aarestuhin nang walang warrant, pagtiyak ng PNP Chief  

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na hindi aarestuhin ng mga pulis si Sen. Antonio Trillanes nang walang arrest warrant.

Ito ang sinabi ng PNP Chief sa kanyang regular Monday press conference kasabay ng pagsabi na kung sakaling maglabas ng arrest warrant ang Korte, ito ay ipatutupad nila ng may kaukulang pag-galang sa Senado at sa senador.

Hindi naman masabi ng PNP Chief kung poposasan nila si Trillanes kung magkataon, at sinabing magiging depende ito sa sitwasyon.

Kung sakali naman aniya na ang militar ang magpatupad ng arrest warrant mula sa Provost Marshal, ay titiyakin ng PNP na ito ay isasakatuparan sa mapayapang paraan.

Hindi naman masabi ni Albayalde kung may inihanda nang kulungan ang PNP para kay Trillanes, tulad ng ginawa ng AFP, dahil nakadepende aniya sa Korte kung saan ikukulong si Trillanes kung sakaling siya ay ipa-aresto nito.  | ulat ni Leo Sarne