Trillanes, aarestuhin pa rin ng AFP kahit walang warrant of arrest 

Aarestuhin pa rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Sen. Antonio Trillanes kahit na walang warrant of arrest.

Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Spokesperson Arsenio Andolong matapos makapulong ang AFP provost marshal na siyang may hawak sa Military Police (MP).

Paliwanag ni Andolong, itinuturing na balik na sa dati ang estado ng court martial proceeding na kinakaharap ni Trillanes noong siya’y aktibong miyembro ng AFP matapos na ipawalambisa ang kanyang amnestiya.

Dahil dito, saklaw na si Lt. Trillanes ng military justice system at maaaring arestuhin ng Military Police para humarap sa court martial kaugnay ng kanyang kasong rebelyon.

Ayon naman kay Atty. Richard Patrict Rubin, chief ng Legal Affairs Service ng Department of National Defense, hindi applicable kay Trillanes ang warrant of arrest dahil ang kaso niya ay nasa hurisdiksyon ng military court martial.

Kasabay nito, inamin ni Andolong na mayroon ngang nangyaring seremonya sa paghahain ng amnesty application ni Trillanes pero hindi aniya malinaw kung naisumite ni Trillanes ang mga dokumento sa Amnesty Committee ng AFP o hawak pa ng senador.

Una nang naglabas ng sertipikasyon ang J1 o Deputy Chief of Staff for Personnel na wala silang kopya ng naturang aplikasyon.  | ulat ni Leo Sarne