“Tribal war,” idedeklara ng mga Lumad kundi titigil ang aktibidad ng NPA sa kanilang ancestral domain

Magdedeklara ng tribal war ang mga Lumad laban sa New People’s Army (NPA), kung hindi matitigil ang aktibidad ng mga komunista sa kanilang ancestral domain.

Ito ang banta ni Datu Joel Unad, chairperson ng Mindanao Indigenous People Conference for Peace and Development (MIPCPD), kasabay ng pagtanggi sa alegasyon ng mga makakaliwang grupo na may nagaganap na militarisasyon sa Lumad communities.

Giit ni Unad, may kasunduan ang mga katutubo sa Armed Forces of the Philippines (AFP), at nagpapaalam muna ang militar bago pumasok sa kanilang lugar.

Ang NPA ay sapilitang pumapasok sa kanilang lugar at binabantaan pa ang mga tribal elder kung hindi sila pahihintulutan.

Ayon naman kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, matagal nang pinagsasamantalahan ng NPA ang mga katutubo, at sa katunayan ay mahigit 70 porsiyento ng kanilang mga mandirigma sa Mindanao ay mula sa Lumad communities.

Ang mga katutubo din ang dinadala ng NPA sa Maynila para makilahok sa mga kilos protesta.

Nagagawa aniya nila ito dahil maaga palang ay nakokondisyon na nila ang utak ng mga kabataang Lumad, na lumaban sa pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang mga Salugpungan Learning Centers. | ulat ni Leo Sarne