Trece Martirez Cavite Mayor, kinasuhan sa pagpatay kay Vice Mayor Alexander Lubigan

Kinasuhan sa Department of Justice (DOJ) ang Mayor ng Trece Martirez Cavite na si Menandres de Sagun sa pagpatay kay Vice Mayor Alexander Lubigan at sa kanyang driver sa ambush na naganap sa Trece Martirez noong July 7.

Sa isang press conference sa Camp Crame, inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, ang mayor at iba pang principal suspects ay kinasuhan ngayong umaga sa DOJ ng tig-dalawang counts ng murder at dalawang counts ng frustrated murder.

Ayon kay PNP PRO-4A Regional Director CSupt Eduard Caranza kasama sa mga kinasuhan ang gunman na kinilalang si Ariel Paiton, at si Luis Abad ang driver ng hilux na ginamit sa krimen.

Kasama din aniya sa mga suspek ang isang konsehal ng Maragondon Cavite na si Umbre Arca, na umano’y tumanggap ng P25,000 para sa pag-dispose ng hi-lux vehicle at isang barangay captain ng Maragondon Cavite.

Bukod sa mga ito, sinabi ni Caranza na pinaghahanap pa ng PNP ang iba pang mga kasabwat sa krimen kabilang ang 7 spotters.

Sinabi ni Caranza na batay sa kanilang imbestigasyon, ang pagpatay sa vice mayor ay isang classic case ng away-pulitika. | ulat ni Leo Sarne