Travel advisory ng US Dep’t of Homeland Security sa NAIA, hindi dapat ipag-alala – DOTr

Walang dapat ipag-alala ang publiko sa travel advisory na inilabas ng US Department of Homeland Security, kaugnay sa hindi raw epektibong naipapatupad ang seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa ipinalabas na statement ng Department of Transportation (DOTr), Manila International Airport Authority (MIAA) at Office of Transportation Security (OTS), tinitiyak nito sa publiko na napapanatili ng government transport agencies ang pagsunod sa “internationally accepted standards” tulad ng sinasabi ng Transport Security Administration (TSA) tungkol sa seguridad sa paliparan.

Ayon sa DOTr, ang mga isyu na binabanggit ng TSA ay natugunan na o nasa proseso na pinag-uusapan pa.

Nitong nakalipas na Disyembre 26, 2018, nagpalabas ng travel advisory ang US Department of Homeland Security kaugnay sa hindi maayos na pagpapatupad ng seguridad sa NAIA.

Giit pa ng DOTr, sinusunod na ng MIAA at OTS ang security standards na itinakda ng International Civil Aviation Organization, na ang pinakahuling security audit findings ay binigyan ito ng rating na “generally satisfactory” sa pamantayan ng kaligtasan at siguridad ng ICAO.

Mula sa kabuuang 16 na rekomendasyon ng TSA, pito dito ay naitama at nasunod na, habang ang natitira pa ay nasa proseso pa lamang para ipatupad.   | ulat ni Rey Ferrer