Travel Advisory ng US Department of Homeland Security, welcome sa Malacañang

Walang problema sa Palasyo ang United States Department of Homeland Security Travel Advisory sa Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kanila itong tinitingnan bilang pagpapahalaga sa seguridad ng mga paliparan sa bansa.

Ayon kay Panelo, malugod din nilang tinatanggap ang rekomendasyon ng US Department of Homeland Security, na kailangan ng mas mahigpit na mga security measure sa mga paliparan.

Sinabi ng tagapagsalita na dapat lang na matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero lalo’t isa ito sa mga kritikal na interes ng pamahalaan sa harap ng mga banta ng terorismo.

Kaugnay nito’y siniguro ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr), Manila International Airport Authority (MIAA) at Office for Transportation Security (OTS), na prayoridad nila ang mahigpit na pagpapatupad ng mga security measure sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Malaki ang tulong ng ganitong mga security audit finding ng  international assessment bodies gaya ng International Civil Aviation Organization (ICAO), para lalo pang mapatatag ang seguridad sa mga paliparan. | ulat ni Alvin Baltazar