Traslacion 2019, generally peaceful — PNP Chief

Generally peaceful ang pagdaraos ng Traslacion sa taong ito.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde matapos ang kanyang isinagawang inspeksyon kahapon ng hapon, bago pa man matapos ang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Maynila.

Kumpara aniya sa nakalipas na taon, ay mas mabilis ang progreso ng prusisyon sa anim na kilometrong ruta patungo sa Quiapo Church.

Nagpahayag naman ng kasiyahan si Albayalde na hanggang kahapon ng hapon ay walang major untoward incident na naitala ang PNP maliban sa humigit-kumulang kalahating libong deboto na nangailangan ng medical attention dahil sa mga maliliit na sugat at pagkahilo.

Kumpiyansa si Albayalde na natamo ng PNP ang kanilang “zero casualty” target sa pagdaraos ng Traslacion.

Ipinaliwanag naman ni Albayalde na kahit walang direktang banta sa Maynila na na-monitor ang PNP, kinailangan ang paghihigpit ng seguridad bilang pag-iingat lang dahil sa mataas na threat level sa Mindanao.  | ulat ni Leo Sarne