Trapik sa EDSA, tapos na sana kung walang kumontra sa mungkahing emergency power ng Pangulo – Malacañang

Naniniwala ang Malacañang na wala na sanang kalbaryong sinasagupa ngayon ang mga motorista sa EDSA kung noon pa man ay napagkalooban na ng emergency power si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, kung wala lang sanang kumontra sa pangangailangang igawad noon pa ang nabanggit na kapangyarihan sa Punong Ehekutibo, di sana ay tapos na ang grabeng trapik sa EDSA.

Binuweltahan din ni Panelo ang pahayag ni Senadora Grace Poe, na nasa administrasyon ang driver seat para solusyonan ang grabeng trapik at wala sa kanya.

Tugon dito ng tagapagsalita, hindi naman sila nagkulang sa paglalatag ng option para solusyunan ang trapik, at kabilang dito ang pagkakaloob ng emergency powers sa Presidente.

Pero ang nakakalungkot sabi ni Panelo, kung ano-ano ang naiisip sa mungkahi ng mga kontra, gaya ng baka ito maabuso at maging source ng korupsiyon, kaya napuno at napikon ang Pangulong Duterte dahilan para sabihin sa mga kritiko na ayaw ninyo, huwag ninyo.