Transport strike kahapon, naglaho parang bula — PNP 

Nag-“fizzle out” o naglaho na parang bula ang isinagawang transport strike kahapon na pinangunahan ng Pinag-kaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON ) at Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).

Iniulat ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson P/Brig. Gen. Bernard Banac na base sa mga report na nakarating sa National Operations Center, as of 5PM kahapon, hindi naparalisa ng transport strike ang karamihan sa mga ruta sa buong bansa.

Wala din aniyang natanggap na ulat ng anumang untoward incident ang PNP, hanggang sa pagtatapos ng araw kahapon.

Mayroon aniyang mga namo-monitor na ilang mga kilos protesta kontra sa PUV Modernization Program sa Metro Manila at iba’t ibang panig ng bansa kung saan mahigit 1,200 lang ang nakilahok.

Ang pinakamalaking bilang ay na-monitor sa tatlong lugar sa Commonwealth Avenue, Novaliches Proper at Diliman sa Quezon City na may humigit kumulang 420 mga miyembro ng PISTON at ACTO; at tinatayang 170 naman sa Bonifacio Monument Circle sa Caloocan City at sa kahabaan ng C4 Road sa Navotas City.

Sa iba pang panig ng bansa, 25 protesters ang na-monitor sa PRO1, 20 sa PRO2, 324 sa PRO6, 100 sa PRO7, at 200 sa PRO-COR.

Una nang tinukoy ni Banac na malaking tulong para maibsan ang epekto ng transport strike, ang ginawang pag-alalay ng mga local government units (LGUs), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Transportation (DOTr) at local Police offices sa mga stranded na pasahero.