Transport group, tinutulan ang mungkahing ibalik sa P9 ang pamasahe

Tinututulan ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang panukalang ibalik sa P9.00 na dating pamasahe sa jeepney matapos ang sunod-sunod na pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Ayon kay ACTO President Efren de Luna, malabo na daw na baguhin pa ang pasahe dahil nakapagpalabas na ng permanenteng desisyon ang Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) na gawing P10 ang minimum fare.

Aniya, madali sanang i-rollback ito kung ang naging desisyon ay provisional increase lamang.

Katwiran pa ni De Luna, na matagal din nilang ipinaglaban sa LTFRB na itaas ang pasahe sa jeepney dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, spare parts, excise tax, E-VAT, discount sa mga estudyante, senior citizens, PWDs, traffic at kotong.

Una nang nagpahiwatig ang ilang transport group na handa silang magbaba ng pasahe kapag tuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.

Humiling na din ng special board meeting si LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, para muling pag-usapan ang tungkol sa P2.00 jeepney fare hike. | ulat ni Rey Ferrer