Transmission rate ng COVID-19 sa Muntinlupa City, bumabagal na

Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa na unti-unti nang nagkakaroon ng downward trend ng COVID-19 cases sa lungsod dahil sa ipinatutupad na health protocols.

Batay sa datos ng local health office ay bumababa na ang bilang ng active cases ng Coronavirus Disease at bumabagal na rin ang case doubling time o transmission rate sa mga komunidad.

Ayon kay City Health Office Chief Dr. Teresa Tuliao, nitong September 30 ay 213 na lamang ang active cases sa Muntinlupa mula sa 768 noong simula ng buwan.

Sa kasalukuyan aniya ay 16.50 days ang case doubling time sa lungsod at ang recovery rate ay sumampa na sa 91.67 percent.

Ipinaliwanag ni Tuliao na ang pagbuti ng sitwasyon ay bunsod ng holistic approach ng LGU sa paglaban sa COVID-19, kabilang na ang surveillance-isolate-treatment strategies, pinaigting na targeted mass testing at contact tracing.

Nasa mahigit labing-anim na libong residente na ang isinailalim sa swab testing o katumbas ng 3.10 percent ng populasyon sa Muntinlupa na mas mataas kumpara sa national target na 2 percent ng populasyon.

Gayunman, binigyang-diin ni Mayor Jaime Fresnedi na bagama’t maituturing itong welcome development ay hindi dapat maging kampante ang publiko at patuloy lamang na sundin ang minimum health protocols.