Transmission Piston, hindi hihirit ng taas pamasahe – iginiit ang pagbasura ng oil deregulation law at suspensyon ng TRAIN Law

Iginiit ng Transmission-Piston Southern Mindanao Region (SMR) na hindi umano sila hihirit ng pagtaas sa pamasahe sa mga pampublikong sasakyan, subalit kanila umanong isusulong ang pagbasura sa oil deregulation law at pagbasura sa TRAIN law.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas Davao kay Ricardo Baron, spokesperson ng Transmission Piston SMR, sinabi nito na karagdagang pasanin lamang sa publiko ang pagtaas ng pamasahe sa mga PUJs na hinihingi ng iba’t ibang transport groups dahil sa serye ng oil price hike.

Sa panig ng grupo, hindi umano makatutulong sa mamamayang Pilipino kung tataasan ang pasahe sa mga sasakyang pampubliko lalo pa’t wala namang increase sa sweldo ang mga ordinaryong trabahante na siyang apektado kung sakaling tataas ang pamasahe.

Sinang-ayunan rin ng Transmission-Piston ang naging direktiba ni Pangulong Duterte sa Department of Energy (DOE) na mag-import ng oil products sa mga bansa na hindi miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries gaya ng Russia upang makakuha ang gobyerno ng mas murang halaga ng langis. | ulat ni Ruth Palo-Dumandan

Photo courtesy: https://bit.ly/2JeORdg