Traffic enforcer ng Maynila na nakaranas ng pananakit, nais makilala ni Pangulong Duterte

Nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagmamalupit na dinanas ng isang traffic enforcer ng Maynila mula sa isang modelo na si Pauline Altamirano na nahuli kamakailan dahil lamang sa isang traffic violation pero sa bandang huli ay napaghinalaan nang isang drug courier.

Sa katunayan ay binanggit mismo ng Pangulo ang insidente sa kanyang nakaraang Talk to the People partikular sa bahagi ng kanyang pagtalakay sa isyu ng droga sa bansa  at  kontra sa Human Rights.

Sa nasabing bahagi din ng litanya ng Pangulo ay pahapyaw nitong nabanggit na tama ang ginawa ng traffic enforcer na sa kabila ng ginawang pananampal, pagtadyak, pagmumura sa kanya ni Altamirano ay kalmado lang nitong hinarap ang panggagalaiti ng kanyang hinuhuli.

Sabi ng Chief Executive, gusto niyang makilala ang nasabing traffic enforcer na aniya’y nagpakita ng “grace” o pagiging mahinahon sa kabila ng kinaharap nitong sitwasyon.

Maaari din daw sabi ng Pangulo na mag-iba ng sitwasyon kung sakaling agad nilang nalaman na konektado pala sa droga ang drug suspect na si Altamirano at baka hilahin pang pababa ito sa sasakyan na may bali pa ang kamay.