Traffic Crisis Act, planong ihain muli ng isang mambabatas sa Kamara

Plano ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na ihain muli ang Traffic Crisis Act.

Ang panukalang ito ay naipasa na ng mababang kapulungan noong nakaraang 17th congress ngunit hindi na natalakay ng Senado.

Ayon kay Sarmiento, bahagi pa rin ng Traffic Crisis Act ang  paggagawad ng emergency powers sa Pangulo para solusyunan ang matinding traffic sa Metro Manila.

Bukod pa ito sa binuo niyang Traffic Master plan, kung saan aayusin ang dispatch ng mga bus na gawing centralized at synchronize, upang hindi basta-basta magbababa at magsasakay ng pasahero kung saan-saan.

Kasama rin ang mga LGU na magpapaigi sa traffic sa mga lungsod, sa pamamagitan ng pakikipa-ugnayan sa mga ahensya at harmonization ng mga polisiya.

Samantala, sa hiwalay na panayam sinabi ni Caloocan Representative Edgar Erice na panahon na rin para mabigyan ng police powers ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mas maging epektibo sa pagpapatupad ng pagmamando ng trapiko.

Ngunit aminado ang kongresista na matatagalan pa ito, dahil kinakailangan ng legislation para mabigyan ng naturang kapangyarihan ang MMDA.