Tourism circuit, pinag-aaralan ng Dept of Tourism sa 3 rehiyon

Ibinunyag ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na pinaghahandaan na ang pagkakaroon ng inter-regional tourism circuit sa MIMAROPA (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) at ilang bahagi ng Bicol at CALABARZON o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

Sa pagbisita ni Puyat sa Marinduque, sinabi nitong binubuo na ng regional tourism office ang “Center for F.U.N Tourism Circuit”.

Layon aniya ng inisyatiba na ituon ang pansin sa farm, food and faith tourism products kung saan kabilang sa paunang napag-usapan ay ang pagkakasama ng Marinduque, Quezon, Laguna at Albay sa circuit.

Ipinaliwanag ng kalihim na palalakasin ng MIMAROPA Farm Tourism Association ang network ng pagsasaka sa rehiyon at tutugunan ang isyu sa food security at farm tourism development.

Bukod dito, pinag-aaralan ng DOT ang pagbuo ng intra-regional tourism circuit para sa diving at marine sports tourism.

Dagdag pa ni Puyat, bilang resulta ng pinakahuling travel survey ay kinakailangang magplano ng bagong karanasan para sa mga biyahero para gawing masaya ang turismo sa panahon ng new normal.