Total electrification fund ng DOE, posibleng isama sa realignments sa 2020 budget

Bukod sa pondo para sa pambili ng palay, kasama na rin sa ikinukonsidera ng liderato ng Kamara para sa realignment ay ang pondo para sa total electrification program ng Department of Energy (DOE).

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, humiling sila ng karagdagang briefing mula sa DOE hinggil sa naturang programa.

Sa budget briefing noon ng DOE, una nang sinabi ng mga mambabatas na dapat ay mapailawan na ang lahat ng lalawigan at sitio sa bansa.

Sa 2020 budget, nasa P1.1 bilyon lamang ang pondo na nakalaan para sa total electrification at ayon kay Cayetano isa ito sa kanilang mga inaaral na dagdagan ng pondo.

Sa kasalukuyan, pitumput’walo na sa kabuuang 81 provinces sa bansa, ang napailawan at mayroon na lamang ding natitirang higit sa labing apat na libong sitio ang wala pang kuryente.