TNVS driver na nang-abuso sa babaeng pasahero, binawian ng driver’s license ng LTO

Kinansela na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na nang abuso sa kanyang pasaherong babae.

Kasunod ito ng hindi pagsipot ng Grab driver na si Anselmo Benigno sa hearing na ipinatawag ng LTO-NCR matapos siyang isyuhan ng Show Cause Order.

Kaugnay nito, isinumite na rin ng LTO-NCR ang case records laban sa TNVS driver sa Philippine National Police (PNP)  para masampahan ng kaukulang kaso.

Una nang nag-viral ang Twitter post ng pasahero at complainant na si Gillian Cortez matapos niyang ireklamo ang Grab driver na nahuli niyang inaangat ang kanyang palda nang magising mula sa pagkakaidlip sa biyahe noong Hulyo 31.

Aniya, hindi lang ito ang unang beses na nakaranas siya ng pang-aabuso mula sa mga driver ng pampublikong sasakyan.

Dahil dito, ginawaran ng LTO ng Certificate of Appreciation ang pasahero kahapon.

Giit naman ni Department of Transportation  (DOTr) Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon, hindi kinukunsinti ng Kagawaran ang mga mapang-abusong driver tulad ni Benigno.