Tips sa pagtugon sa troll accounts sa social media sites, ibinahagi ni Sen. Lacson

Huwag ng mag-aksaya ng panahon para patulan ang mga troll, i-report at i-block…

Iyan ang payong ibinahagi ni Senator Panfilo Lacson sa mga netizen, habang naghihintay sa magiging aksyon ng Facebook at iba pang social media platform sa isyu ng mga troll farm.

Giit ni Lacson, isang magandang hakbang ang hindi pagpansin sa mga troll, dahil alam naman ng lahat na ang layunin talaga ng mga ito ay makakuha ng reaksyon mula sa kanilang mga target.

Bukod sa nabanggit na tips, ibinahagi din ng senator ang ilang senyales ng mga troll account na puwedeng maging gabay ng mga lehitimong netizen. Kabilang na dito ang kawalan ng activity sa main Facebook profile at paggamit ng kung ano-anong larawan bilang profile photo.

Sa halip na gumamit ng argumento at maayos na katuwiran, gumagamit sila ng mapupusok, mapanghamon, mapanakit at mapanirang pahayag sa partikular na tao, proyekto o ideya sa kanilang mga post.

Gumagamit sila ng kapareho o halos katulad na mensahe mula sa ibang account na umaatake rin sa isang partikular na target.

Nagpapakalat ng fake news at mga wala sa hulog na argumento, at agad na kinukuyog ang ibang lehitimong netizens, na hindi sang-ayon sa kanilang linya ng opinyon o paniniwala.

Suportado rin ng mambabatas, ang naunang panawagan ni Senate President Vicente Sotto III sa Facebook Philippines, na gumawa na ng hakbang laban sa mga troll farm na tila sinadyang buuin para magamit sa 2022 elections.