Timing sa paglabas ng impormasyon sa drug queen, kinuwestiyon ni Sen. Gordon

Naniniwala si Senador Richard Gordon na posibleng panglihis lang sa atensyon ng publiko ang pagpapalutang ng impormasyon tungkol sa isang Manila-based drug queen.

Ayon kay Gordon, nagtataka siya kung bakit hinayaan ng mga pulis na makalabas pa ng bansa ang sinasabing drug queen, na kinilalang si Guia Gomez Castro gayong matagal na nilang hawak ang impormasyong sangkot ito sa large-scale illegal drug trade.

Suspetsa ng senador, maaaring isa itong paraan para malihis ang atensyon ng publiko mula sa isyu ng mga tiwaling pulis na sangkot sa pagrerecycle ng ilegal na droga.

Posible rin aniya itong isang paraan upang maalis ang isang posibleng testigo laban sa ilang senior officials.

Naniniwala rin si Gordon, na mayroong makapangyarihang taong nasa likod ng sinasabing drug queen.

Sa ngayon, ay nagsasagawa na aniya ng research ang staff ni Gordon tungkol kay Castro, at sa mga taong posibleng konektado sa kanya.