Three strike policy ng TRB sa mga may insufficient balance na mga motorista, pinuna ng Samahan ng mga Commuters

Inalmahan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang bagong three strike policy na ipatutupad ng Toll Regulatory Board sa mga motorista na mayroong insufficient balance sa kanilang Radio Frequency Identification o RFID. 

Ayon kay Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP, hindi makatwiran na mayroong ganitong polisiya ang TRB sa panahon ng pandemya. 

Wala umanong tamang konsultasyon na ginawa ang ahensya bago pa man nito inilabas ang bagong polisiya. 

Sa Mayo 15, magsisimula na ang TRB at lahat ng mga expressway operators na ipatupad ang three strike policy sa mga motorista. 

Sa ilalim ng three strike policy, ang sinumang motorista na papasok sa mga toll gate ng walang sapat na balance sa kanilang RFID ay bibigyan ng warning sa unang paglabag, warning at ticket sa ikalawang paglabag at ticket at confiscation ng lisensya sa ikatlong paglabag. 

Sinabi ni Inton na hindi daw dapat ito ipatupad dahil wala namang public hearing na ginawa ang TRB tungkol dito. 

Hindi rin daw urgent o mabilis na pangangailangan ang three strike policy lalo pa at nasa pagharap sa pandemya ang bansa.