Termination ng kontrata ng eZConsult, pinag-aaralan na ng QC LGU

Nais ng ipawalang bisa ng Quezon City Government ang kontrata nito sa service provider na eZConsult, ang online booking registration para sa mga nais magpabakuna.

Ito ay dahil sa kawalan ng aksyon ng Zuellig Pharma Corporation, sa naranasang technical problem sa nakalipas na ilang araw.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, kaya kinuha ang serbisyo ng eZConsult ay para mapadali ang proseso ng pagpapatala, ngunit sakit din pala ng ulo ang sistema ng Zuellig Pharma Corporation, ang ugat ng problema.

Sabi ni Belmonte, nasasayang ang sakripisyo ng mga medical frontliner at mga residente ng lungsod dahil sa kapalpakan ng online system.

Pinaghusay na umano ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon, ang pagbabakuna sa paraang walang walk in upang maiwasan ang bulto ng mga nais magpabakuna.

Dahil dito, binigyan ng alkalde ng ultimatum ang Zuellig Pharma Corporation, na ayusin ang kanilang sistema para makapagbigay ng maayos na serbisyo sa lungsod.

Nagsimulang magkaroon ng technical difficulties mula pa noong June 10, 2021, kung saan nahihirapan ang mga taga-QC na makapagparehistro ng online sa eZConsult.

Tinitingnan na rin ng Quezon City Government ang pagsasampa ng kaso sa kabiguan ng Zuilleg Pharma Corporation sa contractual obligation sa local government hanggang Byernes, June 18, 2021, sakaling mabigo ito na maayos ang kanilang serbisyo.

Nagpadala na rin ng liham si City Attorney Orlando Casimiro sa Zuellig Pharma Corporation, sa pamamagitan ng general manager nito na si Danilo Cahoy, para hingiin ang liquidated damages sa naganap na technical failures ng eZConsult.

Sa naturang demand letter, ipinaalala ni Casimiro, ang terms of reference ng kontrata ng Zuellig kaugnay sa obligasyon nito na makapaghatid ng available Information Technology Services, tulad ng registration, pre-assessment, booking at scheduling ng of vaccination ng mga pasyente sa pamamagitan ng digital forms.