Term sharing agreement sa speakership, susundin ng liderato – Rep. LRay Villafuerte

Nirerespeto ni Deputy Speaker, Representative LRay Villafuerte, ang pahayag ng ilang kongresista hinggil sa pananatili ni House Speaker Alan Peter Cayetano bilang lider ng kamara.

Magkagayunman, iginiit ni Villafuerte, na susundin ng house leadership ang term sharing agreement sa pagitan nila Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Base sa napagkasunduan ng dalawa, magsisilbi bilang house speaker si Cayetano sa loob ng labing limang buwan, at ang nalalabing termino ay pupunan na ni Velasco.

Pero tulad ng inihayag ni Cayetano, naniniwala si Villafuerte na dapat ituon na lang muna nila ang kanilang atensyon sa pagtatrabaho.

Sa ngayon, ilan sa mga priority bills na kanilang tinututukan ay ang pagbuo ng Coco Levy Trust Fund, pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Worker (OFW), Water at Disaster Resilience, pagpapasa ng mga tax measures at ang pag-apruba sa 2020 National Budget.